MUNTIK MAGKASIRA SINA RYAN AT JAY DAHIL KAY MEG PERO SINANSALA NI JUSTIN
Mabilisan akong nagtraysikel papuntang barangay nina Jay at Ryan.
Dinatnan ko si Justin na mistulang nagre-referee sa mga pasaway kong katropa. Nagduduro at nagpapalitan ng masasakit na salita sa isa’t isa ang dalawa. May karugtong pang malulutong na mura. Na parang mga asong ulol na maninibasib sa kaagaw ng buto ng karne. ‘Tangna! Totoo pala na sa mundong ibabaw ay walang permanenteng kaibigan.
“Magsitigil kayo! …Makatitikim kayo ng umbag sa akin pag ‘di kayo nagpaawat,” bul-yaw ni Justin na umastang barako kina Jay at Ryan na mistulang manok na teksas na naggigirian.
“Siya kasi, e… niyayabangan n’ya ako, e, ‘di naman uubra sa akin,” sabi ni Jay na parang sumisingasing na cobra.
“Anong ako? Ikaw d’yan ang hari ng ka-hambugan, e…” ang paninisi naman ni Ryan kay Jay.
Naimbyerna si Justin kaya pareho niyang pinitsarahan ang dalawang kabarkada ko.
“Maglinawan nga tayo…” singhal kina Jay at Ryan ni Justin na dating baklitang maton sa aming barangay. “Si Meg ba ang dahilan ng pagbalewala n’yo sa inyong pagiging magkaibigan?”
Hindi sumagot ang dalawa. Sabi na nga, “Silence means yes.”
Dumagundong ang likas na malaking bo-ses ni Justin: “Pareho kayong hangal… Puro lang naman kayo ligaw-tingin, halik sa hangin. At puro kayo selos… Bakit? May sinagot na ba sa inyo ang bes kong si Meg?”
“Tama nga naman…” sa loob-loob ko.
Parang malakas na sampal sa mukha nina Jay at Ryan ang mga katagang binitiwan ni Justin. Mukha namang nahimasmasan ang da-lawang kupalayts.
“Kagabi, pinaunlakan ko si Justin na magtagayan kami. Hirap na hirap na kasi ang kalooban niya sa kanyang sitwasyon. Pinayuhan ko si Bes na palayain na ang tunay niyang damdamin … Gaya nang ginawa kong pagpapalaya noon sa aking sarili,” ang pagbubukas sa amin ni Justin sa tila lihim ng pagkatao ni Meg.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia