INILIGTAS ni FM Paulo Bersamina ang Team Philippines laban sa Bosnia & Herzegovina kahapon sa nagaganap na 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway.
Tinulak ni 16-year old Bersamina (elo 2363) ang Bf6 sa 50th move ng London system opening upang pasukuin ang katunggaling si FM Dejan Marjanovic (elo 2373) at ilista ang 2.0 – 2.0 sa round 2 sa event na may 11-round swiss system at ipinatutupad ang match point scoring system.
Nakolekta ang No. 52 seed Philippines ng 3 MP papasok ng round three.
Tabla ang resulta ng laro nina GM Julio Catalino Sadorra at Asia’s first grandmaster Eugene Torre sa boards 1 at 3 habang nabigo si GM John Paul Gomez (elo 2526) sa board 2 kontra kay GM Dalibor Stojanovic (elo 2503) matapos ang 37 moves ng Sicilian.
Umabot sa 51 sulungan ng Queen’s Gambit ang labanan nina Sadorra (elo 2590) at super GM Borki Predojevic (elo 2604) habang sa 45 sulungan ng King’s Indian defense nagkasundo sina Torre (elo 2438) at IM Denis Kadric (elo 2473).
Paniguradong pagpapawisan ang Pinoy woodpushers sa third round dahil makakaharap nila ang ranked No. 2 na Ukraine.
Ang Ukraine na binabanderahan ni super GM Vassily Ivanchuk ay natablahan ng Norway-2.
Nasa tuktok pa rin ang mga bigating bansa tulad ng seed No.1 at powerhouse Russia, France at Norway na inaangklahan ni reigning World Champion Magnus Carlsen (elo 2877) hawak ang 4.0 match point.
Kasama rin sa unahan ang bansa ni world’s No. 2 player Levon Aronian (elo 2805) na Armenia, USA at Italy na pinangungunahan ni world’s ranked No. 3 Fabiano Caruana (elo 2801).
(ARABELA PRINCESS DAWA)