IDINEPENSA ni Senator Chiz Escudero ang special purpose funds ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na kabilang sa 2015 national budget na nagkakahalaga ng P500 bilyon.
Ayon kay Escudero, hindi maikokonsiderang pork barrel ang special purpose funds.
Paliwanag ng senador, ang nasabing pondo ay lump sum items at ang mga detalye ng nasabing pondo ay nakapaloob sa ibang libro ng budget.
Si Escudero ang chairman ng Senate Finance Committee.
Giit ni Escudero, ang special purpose fund ay malinaw na hindi pork barrel dahil may nakalinyang item sa bawat item na paggagastusan nito.
Inihayag ni Escudero, hindi tama ang pagsasabi ng special purpose fund gayong walang nakalagay na “special purpose fund” sa loob ng budget.
Dagdag ng senador, ang tinutukoy nilang special purpose fund ay gaya ng calamity fund, assistance to GOCC (government-owned and controlled corporation), assistance sa LGU (local government unit), contingent fund, e-government fund at miscellaneous personal benefit fund (MPBF).