ITINUTURING na ng Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ang tropical Jose na may international name na Halong, bilang super typhoon.
Ang nasabing bagyo ay pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) kamakalawa ng gabi at naging ika-10 sama ng panahon para sa taon 2014.
Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), hindi ito magkakaroon ng landfall o pagtama sa alinmang bahagi ng lupa sa Filipinas.
Kaugnay nito, nagbabala ang Pagasa kahapon ng umaga sa mga residente ng Zambales at Bataan lalo na sa mga naninirahan sa landslide at flashflood-prone areas dahil sa paglakas ng monsoon rains bagamat ang bagyong Jose ay wala pang epekto sa bansa.
“Zambales and Bataan will experience monsoon rains which may trigger flashfloods and landslides,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
“Typhoon Jose will not yet affect any part of the country. However, the southwest monsoon will bring occasional rains over Metro Manila, Central Luzon, Ilocos Region, Calabarzon, and Mimaropa,” dasgdag ng Pagasa sa kanilang 7 a.m. update.
Bandang 7 a.m., ang mata ng bagyo ay namataan sa 1,125 km east ng Casiguran, Aurora (15.4°N, 133.9°E) na mayroong maximum sustained winds ng 175 kph malapit sa gitna at bugso hanggang 210 kph. Sinabing ito ay kumikilos patungong kanluran-hilagang-kanluran sa 11 kph.
Hindi pa itinataas ang signal ng bagyo pero tinatayang mabigat at papatindi (10-25 mm per hour) ang pagbuhos ng ulan sa loob ng 650 km diametro ng bagyo.
Pinayuhan ang publiko at ang disaster risk reduction and management council na magsagawa ng kaukulang hakbang at subaybayan ang mga susunod na weather bulletin.