HINDI makapaniwala ang isang Yolanda survivor na siya ang nakakuha nang pinakamataas na marka sa katatapos lamang na 2014 Certified Public Accountant Licensure Exam sa buong Filipinas na ibinigay ng Professional Regulations Commission (PRC).
Kwento ni Rommel Rhino Edusma, “overwhelmed” siya at walang mapagsidlan ng kanyang kaligayahan dahil isa ito sa kanyang mga pangarap.
Napag-alaman na si Edusma ay galing sa bayan ng Capoocan, Leyte at may simpleng pamumuhay lamang.
Sa ngayon, nasa Metro Manila na siya at naghahanap ng trabaho upang makatulong sa kanyang pamilya.
Nagsilbi rin aniyang inspirasyon para sa kanya ang nangyaring delubyo noong nakaraang taon na nagtulak sa kanya na mas lalo pang galingan at maipasa ang board exam.
Ayon pa kay Edusma, mas gugustuhin niya na magtrabaho lang muna sa Tacloban para na rin matulungan ang mga kababayang biktima ng super typhoon Yolanda.
Nanguna si Edusma sa 1,107 nakapasa at nakakuha ng 94.57 percent rating sa nasabing pagsusulit.
Labis ding ikinatuwa ng pamunuan ng Asian Development Foundation College sa lungsod ng Tacloban ang pangunguna ni Edusma sa CPA board exam lalo pa’t napakahirap ng pinagdaanan ng mga estudyante makaraan salantain ng bagyo ang kanilang paaralan noong nakaraang taon.
Ito ang ikalawang pagkakataon na napasali sa topnotcher’s list ang nasabing kolehiyo.