LALO pang lumakas ang bagyong nasa karagatang Pasipiko na nakaambang pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR).
Ayon sa Pagasa, taglay na ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 130 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na aabot sa 160 kilometro bawat oras.
Umuusad ito sa bilis na 10 kilometro bawat oras sa direksyon ng kanluran hilagang kanluran.
Sinabi sa Pagasa, kung hindi magbabago ang direksyon na tinatahak ng bagyo ay hindi na ito tatama sa kalupaan ng Filipinas.
Ngunit magdudulot ito nang malalakas na ulan dahil pag-iibayuhin nito ang hanging habagat at unang maaapektuhan ang Mindanao, papuntang Visayas at Luzon.
Maaaring pumasok sa karagatang sakop ng Filipinas ang bagyo ngayong gabi at papangalanan itong Jose na tinutumbok ang Southern Japan.
Sa ngayon, nakararanas pa rin ng mga pag-ulan ang Luzon at Visayas dahil sa thunderstorms at hanging habagat.