BAGANGA, DAVAO ORIENTAL – Nakalaya na ang dating UP professor at physicist na si Kim Gargar kahapon makaraan maglagak ng piyansa ang kanyang mga kaibigan at pamilya.
Si Gargar ay napiit nang mahigit 11 buwan sa Baganga Municipal Jail sa Davao Oriental bunsod ng kasong illegal possession of explosives, paglabag sa Comelec gun ban at dalawang kaso ng attempted murder na isinampa laban sa kanya.
Si Gargar ay inaresto ng mga kagawad ng 67th Infantry Battalion ng Philippine Army noong Oktubre 1, 2013 sa Brgy. Aliwagwag malapit sa bisinidad ng sagupaan ng mga gerilya ng New People’s Army at mga tropa ng gobyerbno.
Inakusahan ng army si Gargar na isang NPA rebel ngunit itinanggi niya ang akusasyon at sinabing nasa lugar siya dahil nagsasagawa ng pananaliksik para sa isang organisasyon na tumutulong sa mga biktima ng typhoon Pablo.
Nagpasok si Gargar ng not guilty plea sa sala ni Judge Emilio Dayanghirang III, acting judge ng Regional Trial Court Branch 7 sa Baganga, Davao Oriental noong Oktubre 23, 2013.
Sa panayam, inilarawan ni Gargar ang kanyang paglaya bilang “victorious.” (davaotoday.com)