BAGAMA’T pahirapan ang pagpasa ng mahahalagang panukalang batas, wala pa rin balak si Pangulong Benigno Aquino III na pulungin ang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, ang lahat ng mga legislative agenda ng administrasyon ay direkta nang ipinararating sa Kongreso sa pamamagitan ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO).
Ayon kay Coloma, kahit hindi idinadaan sa LEDAC ang mga priority legislative agenda ng administrasyon, hindi ito nalilihis sa nakalatag na Philippine Development Plan.
Walang malinaw na paliwanag si Coloma kung bakit ayaw pulungin ng Pangulong Aquino ang LEDAC.
Sang-ayon sa batas, dapat ay pupulunging ng Pangulo ang LEDAC kada quarter ng taon upang mailatag at maplantsa nang husto ang priority bills na isusulong ng administrasyon sa kapakanan ng taongbayan.