AAPELA si Sen. Lito Lapid kaugnay sa ruling ng Office of the Ombudsman na pinasasampahan siya ng kasong graft kaugnay ng pagkakasangkot sa kontrobersiyal na fertilizer fund scam.
Batay sa resolusyon ng Ombudsman, sinasabing inilihis ni Lapid ang P5 milyon pondo para sa pangangampanya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004 presidential election imbes ipambili ng mga pampataba para sa mga magsasaka noong siya ay gobernador pa lamang sa lalawigan ng Pampanga.
Ngunit ayon sa kampo ni Lapid, wala pa silang impormasyon kaugnay ng resolusyon ng anti-graft court.
Ang pagkakaalam ng senador, nakabinbin pa ang kaso sa Ombudsman, at hiniling na magkaroon ng “judicious and fair review” sa kanyang kaso.
“I request that we avoid second-guessing. Instead, we should hope that the concerned people in the Ombudsman would scrutinize every side of this issue so they could issue a lawful resolution,” ayon kay Lapid.
Umaasa pa rin ang mambabatas na magiging mabusisi ang Ombudsman sa kanyang kaso upang makapagpalabas nang patas na resolusyon.
Nabatid na bukod sa fertilizer fund scam, idinadawit din si Lapid ng whistleblowers sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam. (NA/CM)