ANG Department of Education (DepEd) ang tatanggap ng pinakamalaking bahagi, P364.9 bilyon, mula sa P2.606-trilyon proposed 2015 national budget, gagamitin sa pagkuha ng bagong mga guro, pagsaasayos at pagtatayo ng karagdagang mga silid-aralan, at pabili ng textbooks.
Sinabi ni Budget Secretary Florencio Abad, sa pamamagitan ng budget ng DepEd, maaari nang tumanggap ng karagdagang 39,066 guro at makapagtatayo ng 31,728 dagdag na mga silid-aralan sa susunod na taon.
Aabot sa P47.16 bilyon ang inilaan para sa konstruksyon, pagpapalit o pagtatapos sa itinatayong mga gusali para sa kindergarten, elementary at secondary schools, at technical vocational laboratories, at konstruksyon ng water and sanitation facilities.
Habang para sa pagbili ng school desks, furniture and fixtures, may inilaan na halagang P1.20 bilyon.
Naglaan din ng P1.62 bilyon para sa public-private partnership school building projects at P276 milyon ang gagamitin para sa acquisition, improvement, survey at pagtitulo sa existing school sites, karamihan ay sa urban areas, upang matugunan ang problema sa masisikip na mga silid-aralan.
Ang iba pang mga ahensiya na tatanggap nang malaking bahagi ng budget ay ang DPWH – P300.519 bilyon; DND – P144.036 bilyon; DILG – P141.423 bilyon; DSWD – P108.970 bilyon; DoH – P102.178 bilyon; DA – P88.818 bilyon; DoTC – P59.463 bilyon; DENR – P21.290 bilyon; at Judiciary – P20.285 bilyon.
(ROWENA D. HUGO)