BUMAGSAK sa kamay ng mga tauhan ng Makati City Police sa entrapment operation ang 26-anyos lalaking sinasabing utak sa isang multi-million pyramiding scam na nambibiktima ng mga police official, kamakalawa ng hapon sa isang mall sa nasabing lungsod.
Nahaharap sa kasong large scale estafa ang suspek na si Peter James Abarico, ng San Juan City, nakakulong na sa Makati City Police detention cell.
Halos umabot sa 30 kapulisan ang dumagsa sa General Assignment Section (GAS) ng Makati City Police upang magreklamo laban sa suspek na si Abarico.
Base sa ulat ng pulisya, naaresto ang suspek dakong 3 p.m. sa Glorietta Mall, Ayala Center sa Makati City sa entrapment operation na isinagawa ng mga pulis.
Ayon sa ulat, hinimok ng suspek ang mga pulis na mag-invest sa kanya sa pangakong lalago ang pera at malaki ang interes lalo na kung ipauutang.
Nagtiwala ang kapulisan na karamihan ay mga opisyal at dahil sa isang opisina sa Camp Karingal, Quezon City Police District (QCPD) nagaganap ang mga transaksyon ay naudyukan pa sila ng ibang opisyal ng PNP na lalong kikita ang kanilang pera kapag ipinautang pa nila ito.
Tinatayang aabot sa P200 million hanggang P300 million ang natangay ng suspek mula sa kanyang naging mga biktima. (JAJA GARCIA)