INILABAS na ng Korte Suprema ang inaprubahan nitong rekomendasyon ng Leonen committee na nag-imbestiga sa ‘Ma’am Arlene issue.’
Sa tatlong pahinang notice of resolution na pirmado ni Clerk Of Court Enriqueta Vidal, iniutos ng Korte Suprema ang pagsuspinde kina Quezon City RTC Judge Ralph Lee bilang presidente ng Philippine Judges Association, at Manila Regional Trial Court Judge Lyliha Aquino, bilang Secretary General ng PJA.
Ang suspensyon ng dalawa ay indefinite o mananatili hanggang hindi binabawi ng Korte Suprema.
Kasabay nito, binawi rin ng Kataas-taasang Hukuman ang pagtalaga kay Judge Aquino bilang acting presiding Judge ng Manila RTC Branch 24 at iniutos na siya ay bumalik sa kanyang dating designation bilang hukom ng Tugegarao, Cagayan RTC Branch 4.
Inatasan din ng Korte Suprema ang Court of Appeals para isalalim sa mas malalim na imbestigasyon ang mga hukom na sina Judge Rommel Baybay ng Makati RTC, kumandidato sa pagka-presidente ng PJA Elections noong 2013; Judge Ralph Lee; Judge Marino Rubia ng Binan, Laguna RTC, kumandidato bilang executive vice president ng PJA; at Judge Lyliha Aquino.
Ang nasabing mga hukom ay hiwalay na iimbestigahan ng magkakaibang mahistrado ng Court of Appeals.
Ang mga mahistrado na hahawak ng imbestigasyon ay binigyan ng 90-araw para magsumite ng ulat at rekomendasyon sa Korte Suprema
Sinasabing ang paglutang ng “Ma’am Arlene issue” sa hudikatura ay konektado sa kontrobersiyal na eleksyon ng PJA noong Oktubre 9, 2013.
(LEONARD BASILIO)