TINIYAK ni Senate President Franklin Drilon, walang maisisingit na pondo na kahalintulad ng kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel sa paghimay nila ng 2015 national budget.
Inaasahang isusumite na ng Malacañang sa Kongreso ang P2.606 trillion para sa susunod na taon.
Ayon kay Drilon, makaaasa ang taong bayan na walang mapapasamang pork barrel funds sa ipapasang pambansang pondo sa susunod na taon.
Binigyang-diin ni Drilon, mismong ang Senado ang nagbuwag ng pork barrel system kasunod ng deklarasyon ng Korte Suprema na ito ay labag sa Saligang Batas.
“I can assure our people na walang maisisingit doon (2015 national budget) dahil ‘yan ay ipinagbawal na ng Korte Suprema,” ayon kay Drilon.
Ang pahayag ni Drilon ay sa harap ng mga pangamba ng ilang kritiko ng administrasyon na maaaring makalusot pa rin ang pork barrel funds sa pagpasa ng 2015 national budget na itatago lamang sa ibang pangalan. (CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)