NAKATAKDANG bisitahin ni Pope Francis ang mga biktima ng super typhoon Yolanda sa Vizayas region.
Una rito, inianunsiyo ni Papal Nuncio Archbishop Guiseppe Pinto na ang pagbisita ng Santo Papa ay isang “spiritual typhoon.”
Habang ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, nais nilang ipakita kung gaano katatag ang mga Filipino sa kabila ng mga problema sa bansa lalo na ang mga delubyo na katulad ng bagyo.
Aniya, kahit nararanasan ng bansa ang 20 hanggang 22 bagyo ay bumabangon ang mga Filipino para ipakita sa mundo na kaya pa rin nilang harapin ang bagong umaga pagkatapos ng unos.
Samantala, ikinatuwa ng Palasyo ang kompirmasyong apat na araw bibisita si Pope Francis sa Filipinas, mula sa Enero 15 hanggang 19 sa taon 2015.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, welcome sa administrasyong Aquino ang pagbisita ng Santo Papa sa susunod na taon.
Sinabi ni Coloma, ngayon pa lamang ay nananawagan na si Pangulong Benigno Aquino III sa concerned government offices at citizenry na makipagtulungan sa papal visit committee para masiguro ang matagumpay at mapayapang apostolic visit ni Pope Francis.