TIG-DALAWANG taong kontrata ang inaasahang ibibigay ng baguhang Kia Motors sa dalawang expansion draft picks na sina Paul Sanga at Alvin Padilla.
Ito’y kinompirma ng ahente ng dalawa na si Nino Reyes.
Si Sanga ay dating swingman ng FEU Tamaraws samantalang dating taga-UP Maroons si Padilla.
“The SMTM talents have committed to give 110 percent effort in order to make Kia an instant contender as they enter their first year in the PBA,” wika ni Reyes.
Parehong natuwa sina Sanga at Padilla sa pagkakataong ibinigay ng pamunuan ng Kia sa kanila upang patunayan na kaya nilang makipagsabayan sa mga beteranong manlalaro ng PBA.
“This is a good chance for us lalo na yung hindi napansin noong una. At least, dumami po ang teams, dumami rin po ang magkakatrabaho,” ani Padilla.
“‘Yun lang po ginawa ko. Nagsikap ako sa D-League tapos work on my shooting at defense. Now andito na sa Kia, mas kailangang magpursige,” dagdag ni Sanga.
Sa kabilang banda, nag-alala ang isa pang expansion draft pick ng Kia na si Jai Reyes dahil nalaman niya na baka anim na buwan lang ang magiging kontrata niya sa koponang hawak ni Manny Pacquiao.
“Parang gusto nila (Kia management) dito six months na contract,” himutok ni Reyes. “Then, ang gusto nila kung ano ang UPC (uniform player’s contract) mo sa previous team you played for, ‘yun lang ang isa-sign nila. And then they want to see results.” (James Ty III)