ni Alex Datu
TIYAK na may mabubuksang isang lihim sa ating Philippine history sa pamamagitan ng stageplay ng Philippine Stagers Foundation na ino-offer nila ngayong 2014. Kung noon, inilantad ng matagumpay na Bonifacio (Isang Sarsuwela) ang isang lihim na hindi namatay sa digmaan kundi sadyang ipinapatay si Gat Bonifacio ni General Emilio Aguinaldo sa kanyang mga tauhan dahil ayaw nitong may kahati sa panunungkulan bilang kauna-unahang Pangulo ng Republika.
Sa Filipinas 1941 (Dulayawit) ay isasalaysay ang mga kaganapan sa Second World War, panahong sinakop ng mga Hapon ang ating bansa hanggang dumating ang mga Amerikano sa pamumuno ni General Douglas MacArthur. Heto ngayon ang twist ng istorya, isa na namang rebelasyon ang mapapanood sa stageplay na binayaran ni Pangulong Manuel Luis Quezon si MacArthur ng napakalaking halaga para bumalik ito sa bansa na nag-iwan sa atin hanggang ngayon ng pananalitang I Shall Return. Bumalik nga siya pero sa panahong unti-unting na tayong nananagumpay sa ating laban sa mga Hapon dahil isa-isa na nating nababawi ang mga bayan na nasakop nila.
Ilalahad ang Filipinas 1941 sa pamamagitan ng mga engrandeng musical number at muling aarte ang multi-awardee na si Vince Tanada na siya rin ang writer at director. Gagampanan nito ang karakter ni Felipe, isang kathang-isip na rebolusyonaryo. On-going na ngayon ang Filipinas 1941 sa kanilang campus tour nationwide na magtatagal hanggang Marso 2015.