Muling nanawagan ang mga residente ng Pagrai Hills sa Barangay Mayamot kay Antipolo City Mayor Casimiro “Junjun” Ynares III na paimbestigahan ang sindikato ng land grabbing na ginagamit ang pangalan ng alkalde sa illegal na aktibidades nito.
Ayon sa opisyal ng Pagrai Alliance na si Estellla Caper, mula nang magkaroon ng demolisyon ang National Housing Authority (NHA) noong nakaraang Mayo 8 ay sunod-sunod ang pananakot ng mga land grabber sa pamumuno ng isang dating police major na papatayin ang lahat ng nakabili ng lupa o may titulo mula sa NHA.
“Ipinagmamalaki ng mga land grabber na may proteksiyon sila ni Mayor Junjun at nagtataka kami kung bakit marami nang homeowners association (HOA) presidents at officials ang napatay at nasugatan pero wala ni isang nadakip ang mga pulis,” giit ni Caper. “Kami ang may legal na titulo sa lupa pero bakit kami ang tinatakot at pilit pinaaalis ng mga land grabber?”
Ibinunyag naman ng isa pang taga-Pagrai na si Luis Tan na kabilang sa mga pinaslang ng sindikato sina Maharlika HOA president Allan Albor at Pagrai HOA president Marica Mondejar na pinuno rin ng Akbay Maralita Lungsod ng Silangan Townside Reservation.
Aniya, noong 2013, pinaslang sina Cuencoville HOA officials Jojo Bacurro at Remy Socaldito at nitong 2014 ay magkasunod na pinaslang sina si Cuencoville HOA president Dionisio “Ka Nonong” Asencio at Pagrai HOA adviser Francisco “Ka Muchong” Abad.
“Kaya nga humihingi kami ng tulong kay Mayor Junjun dahil kaming mga taga-Pagrai ay hindi naniniwalang binibigyan niya ng proteksiyon ang lider ng land grabbing syndicate na kilalang-kilala sa buong Antipolo,” dagdag ni Tan. “Patuloy kaming nabubuhay sa takot dahil parang manok lang kung patayin nila ang mga taga-Pagrai at inutil naman ang pulisya dahil walang nadadakip kahit isa sa mga suspek.”