DAHIL walang masyadong sentro ang papasok sa draft pool ng PBA ngayong taong ito, malamang ay papasok sa trade ang Rain or Shine para makuha ang nais nitong big man upang palakasin ang ilalim ngayong bagong PBA season.
Hawak ng Elasto Painters ang ikalawang pick sa PBA Rookie Draft sa Agosto 24 at balak nitong kunin si Chris Banchero bago siya itapon sa ibang koponan.
Isang big man na nais kunin ni coach Yeng Guiao ay si Jay Washington ng Globalport na dating manlalaro ng ROS sa PBL.
Kulang kasi ang Painters ng big man para makatulong kina Beau Belga, Jervy Cruz, Raymond Almazan, Larry Rodriguez at JR Quinahan na may pilay pa hanggang ngayon.
Maraming mga guwardiya ang inaasahang papasok sa draft tulad nina Banchero, Stanley Pringle, Kevin Alas, Garvo Lanete, Jake Pascual, Ronald Pascual at Matt Ganuelas.
Ngunit may plano ang MVP Group na magtayo ng bagong koponan sa PBA D League kapalit ng NLEX at nais nitong mapanatili sina Alas, Lanete, Ganuelas at dalawang Pascual bilang mga amatyur para sa isa pang taon at payagan silang maglaro sa PBA sa susunod na taon.
(James Ty III)