INAMIN ng dating point guard ng NBA na si Stephon Marbury na kakaiba ang kanyang nararamdaman tuwing tumutulong siya sa mga batang may sakit.
Nagsimula si Marbury sa pagtulong sa kapwa noong siya’y naglaro pa sa NBA at tinulungan niya ang mga naging biktima ng 911 terrorist attacks sa Amerika noong 2001 at ang mga nasalanta ng Hurricane Katrina noong 2005.
Pero mas may halaga para kay Marbury ang mga batang may sakit dahil naniniwala siya na may kinabukasan sila kung bibigyan sila ng tamang aruga.
Nandito sa bansa si Marbury upang ilunsad ang kanyang bagong jersey sa tulong ng Jersey Haven para makalikom ng pera para sa mga batang may sakit na bilary artresia.
Samantala, balik-Tsina si Marbury ngayon upang magsimulang mag-ensayo para sa Beijing Ducks sa kanilang pagdepensa sa titulo ng Chinese Basketball Association (CBA).
Nagtayo pa ng mga taga-Beijing ng istatwa ni Marbury bilang pasasalamat sa kanyang kontribusyon upang lalong sumikat ang basketball sa bansa.
Sinibak ang dating coach ng Tsina na si Panagiotis Giannakis pagkatapos na hindi nakapasok ang mga Intsik sa Final Four ng FIBA Asia Cup dito sa bansa at tuluyang mawala sa kontensyon sa FIBA World Cup sa Espanya kahit wildcard man lang. (James Ty III)