PORMAL na nagsimula ang North Luzon Expressway (NLEX) ang paghahanda nito para maging maganda ang unang season nito sa Philippine Basketball Association (PBA).
Itinapon na ng Road Warriors si Joseph Yeo sa Barangay Ginebra San Miguel kapalit ng isang first round draft pick sa taong 2015.
Bukod dito, nakuha ng NLEX ang isang first round draft pick ng San Miguel Beer sa 2015 kapalit ng isang first round draft pick sa 2016.
Aprubado na ng PBA Commissioner’s Office ang dalawang trade deals na ito kung saan tatlong picks ang nakuha ng Road Warriors sa susunod na PBA draft.
Inaasahang makukuha ng NLEX ang isang magandang draft pick sa susunod na taon tulad nina Kiefer Ravena, Jeron Teng o Kevin Ferrer.
Nakuha ng NLEX ang prangkisa ng Air21 kamakailan lang.
Inaayos na rin ngayon ng Road Warriors ang mga kontrata ng ilang mga manlalaro tulad nina Asi Taulava, Sean Anthony, Mac Cardona at Aldrech Ramos.
Si Boyet Fernandez ay magiging coach ng NLEX sa pagsabak nito sa PBA.
Sa panig ng Ginebra, lalong lalakas ang opensa ng Kings dahil sa pagdating ni Yeo na nag-average ng 12.4 puntos, 4.1 rebounds at 4.3 assists bawat laro para sa Air21 noong huling PBA season.
(James Ty III)