Kinompirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga manggagawa na magtatrabaho ng Linggo, July 27 at Martes July 29 ay mayroong karapatan na makatanggap ng extra pay.
Una nang idineklara ng Malacañang ang July 27 na isang special non-working holiday bilang paggunita sa ika-100 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo (INC) habang ang July 29 naman ay isang regular holiday napagdiriwang ng Eid’l Fitr, hudyat sa pagtatapos ng Holy Month of Ramadan.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, kapag regular holidays, bawa’t manggagawa na magre-report sa trabaho ay tatanggap ng double pay para sa unang walong oras sa kanilang trabaho habang 30% na dagdag kapag labis na sa walong oras.
Ani Baldoz, ang mga manggagawa na naka-iskedyul ng day off pero pinagre-report sa trabaho ay tatanggap ng 230% na bayad sa loob ng walong oras habang dagdag na 30% sa excess na oras.
Habang ang mga hindi magtatrabaho at gustong i-enjoy ang holiday ay tatanggap ng regular daily pay.
Ang mga nag-report kahapon ay may dagdag na 30% sa kanilang regular daily pay.
Hinikayat ng kalihim ang employers na i-observe ang pay rules partikular sa regular holidays at special non-working days.
(Beth Julian)