PUMILI ang Department of Health (DoH), National Statistics Office (NSO), Populations Commission (POPCOM) at iba pang grupo ng sanggol sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa lungsod ng Maynila upang maging 100 millionth symbolic baby sa ating bansa.
Ayon kay DoH spokesman Dr. Lyndon Lee-Suy, dapat ito ay ipinanganak sa pamamagitan ng normal delivery upang hindi masabing itinaon lamang sa petsa at oras nang makasaysayang paglabas ng ika-100 milyong Filipino.
Nabatid na isang sanggol na babae na ipinanganak sa oras na 12:35 ng hatinggabi ang natapat sa naturang bilang.
Kinilala ang magulang ng bata na si Dylin Cabigayan, 27, ng Sampaloc, Maynila.
Pagkakalooban ng regalo ang sanggol mula sa nasabing mga ahensiya ng pamahalaan, habang ang ibang grupo ay magkakaloob ng tulong hanggang sa paglaki ng napiling sanggol.
Samantala, hati ang mga Filipino sa reaksyon ukol sa pagpalo ng populasyon ng ating bansa sa 100,000,000.
Para sa pro-life groups, maituturing na blessing ang naturang development.
Habang sa iba ay idiniin na banta ito nang mas matinding kahirapang na posibleng maranasan ng mga Filipino.