KORONADAL CITY – Walang inaasahan na ano man ang pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Lunes.
Ito ang tahasang sinabi ni MILF first vice chairman Ghadzali Jaafar kahapon.
Ayon kay Jaafar, sobra silang nadesmaya sa urong-sulong na desisyon ng gobyerno sa pagpapatupad ng Bangsamoro Basic Law.
Hindi na aniya masaya ang Bangsamoro sa ginagawa ng gobyerno dahil hindi nasusunod ang nilagdaan nila at ng gobyerno ng Filipinas sa Framework Agreement on the Bangsamoro noong 2012.
Hindi na rin aniya nasusunod ang timeline dahil nasira na ang lahat nang napag-usapan ng dalawang panig.
Dahil dito, nagsasagawa ang kanilang grupo ng consultation dialogue sa lahat ng kanilang mga kasapi upang sila na aniya ang magdedesisyon sa gagawing hakbang upang muling bilisan ng gobyerno ang pagsulong na makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
Ngunit inamin ni Jaafar na sa kabila nang pagkadesmaya ng pamunuan ng MILF at Bangsamoro, umaasa pa rin sila na matatapos at maipatutupad na ang Bangsamoro Basic Law.