BINABATI po natin ang buong Iglesia Ni Cristo (INC) sa kanilang pagdiriwang ngayon ng ika-100 anibersaryo.
Hangad natin ang panibago pang 100 taon patungo sa pag-unlad at paglawak pa ng INC.
Ang INC ay itinatag ng tinaguriang Sugo at Punong Ministro na si Felix Y. Manalo noong Hulyo 27, 1914 sa Sta. Ana, Maynila.
Nang lumalaki na ang bilang ng mga miyembro ng INC, humirang si Ka Felix ng mga delegado para magpakilala ng Salita ng Diyos sa iba’t ibang lupain, kabilang na ang mga nasa labas ng bansa.
Sa kanyang pagpanaw noong 1963, itinalaga ang mga anak ni Ka Felix na sina Kapatid Eraño Manalo ang humalili bilang ehekutibong ministro at si Eduardo V. Manalo naman ang hinirang na deputy executive minister.
Sa kasalukuyan mayroon nang 2,635 kongregasyon o lokal sa mahigit 84 bansa at teritoryo sa buong mundo ang naitatag ng Iglesia ni Cristo. Kinilala rin ang Iglesia ni Cristo sa Hawaii at California, dalawang estadong kilala sa dami ng imigranteng Pinoy.
Nitong mga nakaraang taon, nakapagtatag na ang INC ng pabahay gaya ng ‘Tagumpay Village.’ Nagbibigay ng libreng gamutan at serbisyong medikal at dental sa mga proyektong gaya ng Lingap Sa Mamamayan.
Bukod dito, mayroon rin silang mga serbisyong pangkomunidad gaya ng paglilinis ng lansangan, pagtatanim (tree planting project) at pag-dodonate ng dugo.
Ngayong araw, huhugos ang mga opisyal at miyembro ng Iglesia ni Cristo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, para ipagdiwang ang kanilang Sentenaryo.
Alam natin na 99 porsiyento ang dadalo sa okasyong ito ng INC dahil ganyan sila kadisiplinado. At isa ‘yan sa ikinabibilib natin sa mga taga-INC.
Kung mayroon man tayong nababatikos na ilang miyembro nitong nakaraang araw ay hindi para siraan sila kundi para ipaabot sa kanilang pamunuan ang ilang miyembro nila na ‘naliligaw ng landas.’
Pero sa kabuuan, bilib tayo sa praktis ng mga INC. Hindi lang sila puro teorya o Biblia, talagang ipinakikita at isinasabuhay nila ang turo ng kanilang Iglesia.
Kay Executive Minsiter Eduardo “Ka Eddie Boy” Manalo at sa kabuuan ng Iglesia Ni Cristo … binabati ko po kayo … MABUHAY ANG SENTENARYO ng INC.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com