HINDI BIRTUD NG PANYONG PUTI KUNDI AWA KAY BOYING ANG KAY NINGNING
Natanaw ko si Ningning na papunta sa kinatatayuan ni Boying sa harap ng kanilang bahay. Hawak ng dalawang kamay ang platong kinasasalalayan ng isang mangkok na kinalalagyan ng ginatang bilo-bilo. Pasado ala-sais na ng hapon noon at katatapos lang marahil ng ikapitong Bi-yernes ng pagriritwal ni Boying.
“Magmeryenda ka muna… Masarap ‘tong niluto kong bilo-bilo o,” ngiti ni Ningning sa pag-aabot ng dala-dalang meryenda kay Boying.
Pero sa halip na kunin sa kamay ni Ningning ang platong kinalalagyan ng mangkok ng ginatan ay walang sabi-sabing hinagkan sa pisngi ng binatang ka-lugar ko. Nabitiwan tuloy nito ang hawak na pinggan at natapon tuloy sa lupa ang pagkain.
“Bastos!” tili ni Ningning, nagpakawala ng malakas na sampal sa mukha ni Boying. Natulala ang kampon ni Tata Kanor.
Mangiyak-ngiyak na nagtatakbong palayo si Ningning. Nang magkasalubong kami sa daan ay napayakap siya sa akin at saka isinumbong ang nagawang kapangahasan sa kanya ni Bo-ying.
“’Yun pa ba ang mapapala ko sa pagmamagandang loob sa kanya?” nasabi ni Ningning sa paghihimagsik ng kalooban.
“’Kala ko pa naman, e, na-in-love ka na rin sa kanya…” ang pagkadulas ng dila ko sa pag-iisip na tumalab na sa kanya ang anting-anting.
“Ano?!” pandidilat sa akin ni Ningning. “Naaawa lang naman ako sa aning-aning na ‘yun, a!”
“S-sino’ng aning-aning?” tanong ko.
“Sino pa, e, ‘di ‘yang praning na si Boying…” ang mariing bigkas ni Ningning.
Praning daw si Boying? Kwento ni Ningning tungkol kay Boying: “Madalas ko siyang makita na nagpapagpag maya’t maya ng panyo sa hangin… Tapos, bubulong-bulong pa siya na tila kinakausap ang sarili sa pag-iisa. Tingin ko’y napaglilipasan siya ng gutom. Nahabag naman ako sa kalagayan niya kaya parati ko siyang dinadalhan ng makakain… “ (Itutuloy)
ni Rey Atalia