BUKOD sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP), nabunyag sa pagdinig ng Senado na mayroon pang ibang pinagkukunan ang administrasyon bilang karagdagang pondo para sa proyekto o programa ng ahensiya.
Sa pag-uusisa ni Sen. Nancy Binay, kasabay nang pagdinig ng Senate finance committee sa isyu ng DAP, natuklasan na umabot sa mahigit P4 billion ang pondo na ibinigay ng Malacañang sa Commission on Elections (Comelec) na hindi galing sa DAP.
Sa unang bahagi ng pagdinig, nabanggit ni Budget Secretary Butch Abad na mabilis na naaksyonan ng administrasyon ang hiling ng Comelec na karagdagang pondo para sa PCOS machines dahil kung hindi ay baka magbalik sa mano-mano ang halalan o ‘di kaya ay wala sanang eleksiyon noong 2013
Hindi na naitanggi ni Abad na hindi DAP ang ginamit para sa karagdagang pondo ng Comelec para sa PCOS machines kundi mula sa regular savings.
Magugunitang idineklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang bahagi ng DAP dahil sa tinatawag na cross border allocations, o paglalaan ng pondo ng executive department sa ibang sangay ng pamahalaan.
(CYNTHIA MARTIN/NINO ACLAN)
COMELEC HUMIRIT N G 1 WEEK
MAGING mailap sa tanong si Commission on Elections (Comelec) spokesperson Atty. James Jimenez kaugnay sa mahigit P4-bilyong ipinondo ng Malacañang sa nakaraang eleksiyon.
Sinabi ni Jimenez, humingi sila ng augmentation fund para sa halalan at lahat nang ito ay ginastos lang sa eleksiyon.
Ayon pa kay Jimenez, dapat maintindihan ng publiko na sa ngayon hindi muna sila magpapalabas ng komento tungkol sa mga detalye kung paano ginastos ang pondo mula sa savings ng Malacañang.