INIUTOS ng Sandiganbayan 3rd Division kahapon na ilipat na sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang itinuturong pork barrel fund scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Ayon kay Sandiganbayan 3rd Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, kailangang maipatupad agad ng BJMP ang order to transfer kay Napoles sa Camp Bagong Diwa sa Taguig mula sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Sa desisyon ng Sandiganbayan justice, sinabi ng korte na dapat lamang nakakulong sa isang regular detention facility si Napoles.
Si Napoles ay nahaharap sa kasong plunder at graft charges bunsod ng pork barrel scam.
4-ORAS LATE SA BAIL HEARING
HINDI nakadalo ang mastermind sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles sa kanyang bail hearing kahapon sa Sandiganbayan third division.
Ito’y nang late siyang dumating sa anti-graft court.
Dakong 8:30 a.m. itinakda ang pagdinig sa hirit ni Napoles na makapagpiyansa ngunit dumating siya sa Sandiganbayan dakong 12 p.m.
Kinuwestyon ni Third Division chair at presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang abogado ni Napoles kung bakit siya na-late, ngunit sinabi ni Atty. Stephen David na wala silang ideya na nagpalabas ng produce order ang korte para dumalo sa pagdinig.
Agad ibinalik si Napoles sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
(HNT)