ni Pilar Mateo
KAMAKAILAN, kinurot ang bawat puso natin ng lovestory at walang kapantay na pagmamahalan nina Hazzy at Liezel Go na sinaksihan ng buong mundo dahil sa kanilang video ng kakaibang kasalan noong Hunyo na may 12 milyong tao ang nakapanood sa YouTube.
Ito ang istoryang ibabahagi ng MMK (Maalaala Mo Kaya) ng ABS-CBN ngayong Sabado (Hulyo 26).
Tuklasin sa MMK ang kuwento sa likod ng tinaguriang heartbreaking wedding viral video nina Hazzy, isang pasyenteng may advanced stage 4 liver cancer at ng kanyang girlfriend sa loob ng apat na taon na si Liezel. Alamin ang tunay na dahilan kung bakit kinailangang maganap agad ang kanilang pag-iisandibdib sa ospital.
Gaano kalalim ang pag-iibigang sinubok ng isang malalang karamdaman? Tunay pa ba ang “walang hanggan” kung ang iyong minamahal ay binigyan na ng taning ang buhay?
Ang parehas na madalas abangan sa kanilang mga ginagampanan sa MMK na sina Carlo Aquino at Kaye Abad ang gaganap sa katauhan ng magsing-irog.
Tampok din sa upcoming episode sina Janice de Belen, Mico Aytona, Aldred Gatchalian, Shey Bustamante, DM Sevilla, at Erin Ocampo. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Nuel Crisostomo Naval at panulat nina Denise O’Hara at Arah Jell Badayos. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.
Sa loob ng 23 taon, bahagi na ng bawat pamilyang Filipino saan man sa mundo ang MMK na bawat Sabado ay nagpapaluha, nagpapangiti, at nagbibigay-inspirasyon sa TV viewers sa pamamagitan ng mga totoong kuwentong buhay na ibinabahagi ng letter-senders ng programa.