ni Roldan Castro
MAY pasabog si Aljur Abrenica dahil naghain siya ng kasong Judicial Confirmation of resolution/rescission of contract laban sa GMA, Inc. sa Quezon City Trial Court kasama si Atty. Ferdinand Topacio noong Huwebes ng hapon.Ayon sa statement ni Aljur:
“Nagpapasalamat po ako sa GMA sa tiwala at oportunidad na ibinigay nila sa akin sa loob ng ilang taon sa industriya. Ito po ay hindi ko malilimutan.
“Pero nitong mga nakaraang taon, hindi na po ako masaya sa pangangalaga nila dahil sa wala na akong nakikitang magandang direksiyon na pupuntahan ng aking career bilang isang seryosong actor at musikero.
“Lalong-lalo na po nitong mga nakaraang buwan na pakiramdam ko ay nabastos pa ang dignidad ko dahil sa pinaplano nila para sa akin. At nainsulto po ang kakayahan ko bilang isang actor kaya humihingi po ako ng release sa pangangalaga nila. Ako ay hindi nila pinagbigyan kaya’t ikinalulungkot ko na wala na akong magagawa kundi dumulog sa hukuman.”
Kinapanayam din namin si Aljur at ang kanyang abogado na si Atty. Topacio.
“Kaya po ako nandito ngayon…sa totoo nga lang po, ayaw kong umabot sa ganito. Ako po ‘yung huling tao na magdedesisyon na malagay sa ganitong kalagayan. Pero po,eh, kaya po ako nandito ngayon dahil po hindi po ako nabigyan ng pagpapahalaga at respeto po sa career na gusto kong mangyari.
“Sana po, ang masasabi ko lang po, sa kabila ng lahat dasal ko lang po sana, may matutuhan ang magkabilang panig at ipinagdarasal ko rin po na pagkatapos ng lahat ng ito ay magkaroon ng magandang relasyon ang dalawang panig,” deklara niya.
Gaano katagal niya pinag-isipan ang desisyong ito?
“Katunayan po, matagal na po, taon na po. Pero ang sabi ko nga , ayaw ko po talagang umabot sa ganito, hangga’t maaari gusto ko pong ayusin pero with the guidance ng mga tao sa paligid at guidance ng mga magulang ko at mula po sa Panginoon, kinailangan ko na po talagang pumunta sa hukuman.”
Pero tumatanaw ba siya ng utang na loob sa GMA 7?
“Opo naman po. Nagpapasalamat po ako sa GMA sa oportunidad at tiwala nila sa akin sa ilang taon dito sa industriya. Hinding-hindi ko po makakalimutan ‘yun,” bulalas pa niya.
May speculation na lilipat siya sa Kapamilya Network?
“Ang masasabi ko lang po, hindi pa po ako nakikipag-usap. Wala pa po akong nakakausap sa mga ganyang bagay,” pagdi-deny niya.
Napakahirap ang desisyong ito ni Aljur, handa na ba siya sa puwedeng pagdaanan niya?
“Pinag-isipan ko pong mabuti. Napakahirap …‘yung mga puwedeng mangyari pero para po sa akin.. bilang isang seryosong actor at musikero marami pa po akong gustong.. kumbaga po, ang ano po lang natin..lahat naman tayo ang gusto natin ay mapabuti tayo..with a good cause naman po. At marami po tayong gustong matulungan, marami po tayong gustong marating at sa akin pong nakikita, hindi na po nag-aakma, nagtugma ‘yung direksiyon na gusto nila para sa akin at direksiyon na gusto ko para sa akin. Hindi na po talaga nag-aakma ang interes ng bawat isa,” aniya pa,
Dagdag naman ni Atty. Topacio: “Actually, nandito kami para hilingin sa korte na sabihin sa GMA na payagan na siyang ma-release sa contract niya. Hindi po kami nakikipag-away. Gusto lang naming hingin sa pamamagitan ng hukuman kasi hindi sila magkasundo na i-release siya. Parang korte na ang magsasabi kung karapat-dapat ba na i-release na siya from his contract.”
Ang contract daw ni Aljur sa Kapuso Network ay hanggang 2017. Nag-effort naman daw si Aljur na makipag-usap sa network without a lawyer pero hindi naayos. Dahil dito, nagpadala rin daw si Atty. Topacio ng formal letter sa GMA 7 hoping na makipag- sitdown at makita kung ano ang problema pero ini-insist nila ang nasa kontrata kaya wala na silang choice.
“Inuulit ko, hindi po kami nakikipag-away. We are not closing the door to a fruitful dialogue with GMA Inc. Kung mamamagitan ang hukuman ay para magkaroon ng resolusyon itong kaunting misunderstanding na ito. Ang GMA 7 ay always part of his life. Maraming avenues for a reconciliation dito for both parties,” dagdag pa ni Atty. Topacio.