IPINATAPON ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes ng gabi ang Australian national at sinabing global jihadist na si Robert Edward Cerantonio sa pagiging undocumented alien sa bansa.
Ayon kay BI spokesperson Atty. Elaine Tan, Cerantonio alyas “Musa Cerantonio” ay ipinatapon sa Australia dahil kinansela ng kanilang Ministry of Foreign Affairs ang kanyang pasaporte.
Ani Tan, mismong ang Australian Embassy officials ang naghanda ng mga dokumento ni Cerantonio para sa kanyang biyahe sakay ng Philippine Airlines flight PR209 patingong Melbourne dakong 9:10 pm nitong Martes.
Gayonman nilinaw ng mga awtoridad na si Cerantonio ay walang nakabinbing kaso sa mga korte sa bansa batay sa kanyang NBI clearance.
“Sinalubong si Cerantonio ng Australian authorities nang dumating sa kanilang bansa kahapon ng umaga para isailalim sa proseso bilang deportee,” paglilinaw ni Tan.
Tubong Canberra, Australia, sinamahan si Cerantonio ng apat (4) BI intelligence officers, sa kanyang biyahe pabalik sa Australia.
Nitong Hulyo 11, si Cerantonio ay inaresto ng mga operatiba ng BI at pulisya dahil sa pagiging undocumented foreign national.
Iniulat din na ginagamit niya ang internet para mag-udyok sa mga tao na lumahok sa extremist activities gaya ng global jihad.
Naaresto si Cerantonio, sa Lapu-Lapu City, Cebu saka dinala sa BI Detention Facility sa Bicutan, Taguig City, para doon manatili hanggang sa maipatapon siya pabalik sa Australia.
Ayon sa mga awtoridad, ang girlfriend ni Cerantonio na si Joen Montaire alyas “Mayra Ashawie,” 32, ng Negros Occidental, isang fashion designer, ay nanatiling ‘hawak’ ng Mandaue City police office.
Ang 29-anyos Australiano, na sinabing inspirasyon ng mga global jihadist, ang pinaka-popular at maimpluwensiyang online preacher na sumusuporta sa mga jihad sa Iraq at Syria.
Umabot sa 12,000 ang kanyang followers sa Facebook hanggang i-shutdown ito nitong nakaraang Abril dahil sa umano’y patuloy na pag-uudyok sa mga kabataang Australiano ialay ang kanilang buhay sa Syria at Iraq.
Si Cerantonio ay ipinanganak sa pamilyang Italiano pero nagpa-convert sa Islam sa edad 17-anyos hanggang maging popular at maimpluwensiyang online preachers na sumusyporta sa jihad ng Iraq at Syria.
(Edwin Alcala)