SIMPLENG uri ng pandaraya ang pagpapatakbo sa kapangalan, kaapelyido o ka-alyas ng isang malakas na kandidato para madehado sa halalan. Madali itong malutas sa mano-manong eleksiyon dahil kapag idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na “nuisance” ang isang kandidato ay kaagad ibibigay ang boto sa pinuntiryang dayain.
Sa automated election, napatunayan sa nakaraang halalan na mabibilang pa rin ang boto ng isang nuisance candidate tulad ng naganap sa ikaapat na distrito ng Quezon na dapat na-nalo si Atty. Wigberto “Toby” Tañada, Jr., pero ang nakaupo ngayon sa House of Representatives (HR) ay si Dra. Helen DL Tan.
Ang masama, kahit kapartido ni Speaker Feliciano Belmonte sa Liberal Party (LP) si Tañada ay waring siya pa ang nededehado sa usad-pagong na pagdinig sa HR Election Tribunal (HRET). At ang mas masaklap, puwedeng ma-dismis ang protesta sa simpleng “technicality.” O maghunos-dili man ang matatalinong miyembro ng HRET na mag-isyu ng resolusyon para magpatuloy ang mga pagdinig sa kaso ay baka sumapit na ang susunod na halalan sa 2016 na hindi pa rin nakapupuwesto ang tunay na nagwagi noong 2013.
Mas mabilis umaksiyon ang Manila Prosecutor’s Office na inisyuhan ng Warrant of Arrest ang “nuisance candidate,” ang pobreng nagpagamit sa mga abogado ni Tan na si Alvin John Tañada na tumakbong kongresista noong nakaraang eleksiyon. Ipinaaresto siya kaugnay sa kasong limang (5) bilang ng palsipikasyon ng mga dokumento na isinumite niya sa Comelec para sa kanyang kandidatura.
Bago ang halalan noong Mayo 2013, naglabas ng desisyon ang Comelec na pawalan ng bisa ang kandidatura ni Alvin John sa pagka-kongresista sanhi ng “material misrepresentation.” Sinabi niyang residente siya ng Gumaca, Quezon, isang taon bago maghalalan pero wala siyang dokumento na nagpapatunay nito.
Naging mainit na usapin ito sa Comelec dahil masyadong “halatain” na pineke ang mga dokumento ni Alvin John para matalo si Atty. Toby. Ngayon, mainit na paksa ito sa HRET at walang natutuwa kundi ang mga abogado ni Tan na pi-niyansahan kamakailan si Alvin John na nakatakdang basahan ng sakdal sa Hulyo 30 pero kaagad humirit ng postponement. Gusto rin ni Alvin John na bawasan ang kanyang piyansa sa katwirang “wala siyang trabaho at walang kakayahang magpiyansa ng malaking halaga.” Kakatwa at katawa-tawa ito, bakit siya tumakbong kongresista kung gayon ang kanyang estado sa buhay?
Malinaw na si Tan ang nasa likod ng pagpapatakbo ng isa pang Tañada (Alvin John) upang guluhin at linlangin ang mga botante sa ikaapat na distrito ng Quezon. Malinaw rin na ang mga abogado ni Tan ang siyang pumirma sa mga dokumento na isinumite ni Alvin John sa Comelec at sanhi ng mga kaso sa korte.
Sabi nga ni Atty. Toby: “(K)ung susundin ang jurisprudence o mga nakaraang desisyon ng ating mga korte at naideklarang “nuisance” si G. Alvin John Tañada ng HRET, ang mga nagkamaling boto para kay G. Alvin John Tañada ay maililipat sa nakuha kong boto at malinaw pa sa sikat ng araw na ako ang panalo laban kay Tan ng mahigit 3,000 boto.”
Noong nakarang eleksiyon, nakakuha si Tan ng 84,782, si Atty. Toby Tañada ng 80,698 at si G. Alvin John Tañada ng 7,038.
Sa kasalukuyan, hinihintay ang magiging hatol ng HRET sa protestang inihain ni Atty. Toby pero dapat din niyang asikasuhin ang disbarment ng mga abogadong salarin sa palsipikasyon ng papeles ni Alvin John dahil malaking kahihiyan sa propesyon ng abogasya ang ginawa nilang pagnanakaw sa mga mamamayan ng Quezon ng tunay at wastong representasyon sa Kongreso.
Ariel Dim Borolongan