MALAKI ang posibilidad na gagawin ang ilang mga laro ng PBA 40th Season sa bagong bukas na Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ayon kay PBA Media Bureau Chief Willie Marcial, nagkaroon ng ocular inspection sina PBA Commissioner Chito Salud at iba pang mga miyembro ng Board of Governors ng liga sa kinatatayuan ng bagong arena na pagmamay-ari ng Iglesia ni Cristo na nagbukas na noong Lunes.
Ang Philippine Arena ay may kapasidad na 55,000 na katao at gagamitin ito ng INC sa kanilang selebrasyon ng sentenaryo nito sa Hulyo 27.
“Pinag-uusapan pa lang pero may possibility talaga na maglaro doon,” ayon kay Marcial sa panayam ng website na Spin.ph. “Napuntahan na namin ‘yun habang ginagawa pa lang last year.”
Sa ngayon ay ginagamit ng PBA ang Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena bilang mga pangunahing venues habang mga secondary venues naman ang Cuneta Astrodome at Philsports Arena.
“Puwede daw nilang gawing 50,000 (ang capacity), puwede rin nila gawing 20,000,” ani Marcial. “Hindi ko alam kung papaano nila gagawin ‘yun pero silya pa lang sa general admission ang nakita namin, wala pa sa baba. We’re also talking about how transporting the teams will be done kapag tuloy na ang mga games doon.”
(James Ty III)