KRITIKAL ang kalagayan ng isang obrero habang tatlo pa niyang kasamahan ang sugatan nang sumabog ang pasingawan ng isda (steaming machine) sa loob ng isang fish processor sa Malabon City kamakalawa ng hapon.
Ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital si Joven Taylo, nasa hustong gulang, sanhi ng mga lapnos at tusok ng nabasag na bote sa kanyang katawan.
Habang bahagyang pinsala lamang ang dinanas ng mga kasama niyang sina Wilman Niog, 28, ng #5856 Homework Road, Balintawak, Quezon City; Emily Cacdao, 21, ng Francisco Compound, Brgy.Karuhatan, Valenzuela City, at Marlon Abiño, 26, technician, ng Fairview, Quezon City.
Batay sa ulat ni SPO4 Ferdinand Espiritu, dakong 3:45 p.m. nang maganap ang insidente sa loob ng Superb Catch Inc., sa #46 Maria Clara St., Brgy. Acacia ng nasabing lungsod, na pag-aari ng isang Jeffrey Uy, 46-anyos.
Binabantayan ni Taylo ang retort machine (steaming machine para sa isda) nang bigla itong sumabog dahilan upang tamaan siya ng mga nabasag na bote at nalapnos ang kanyang katawan sanhi ng kumukulong tubig, habang tinamaan din ang tatlo pa niyang kasamahan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid ang dahilan ng pagsabog.
(ROMMEL SALES)