Hindi naging maganda ang posisyon na numero uno para sa kabayong si Dome Of Peace dahil sa nakiputan siya at walang madaraanan kaagad nang inayudahan ng kanyang sakay bilang isang diremate, kaya naman naging malaking pagkakataon iyon para sa kalaban niyang si Akire Onileva na maka-upset sa kanilang pagtatagpo.
Sa kasunod na takbuhan naman ay pabor na pabor naman ang numero uno kay Expecto Patronum, dahil sa kanyang huling tatlong pagsali ay palagi siyang nalalagay sa mababang numero na iyan. Kaya ang puna ng tuloy ng mga beteranong klasmeyts natin ay tila nire-request ng kanyang koneksiyon na malagay sa nasabing puwesto sa aparato.
Sa ikaapat na na karera ay tila nilaro lang ni Dan Camañero ang kanyang sakay na si Damong Ligaw dahil sa arangkadahan ay isa sila sa nasa unahan, subalit umawat panamantala at pagdating sa tres-oktabos ay nilayagan ni Dan ang renda kaya agaran namang nagresponde na kusang rumemate sa may tabing balya.
Sa ikaanim na takbuhan ay naglaro rin ang hineteng si Noy Tablizo sa ibabaw ni Arrowhead, dahil sa medya milya pa lang ng laban ay paugoy-ugoy lamang sa ibabaw si Noy na base sa mga beteranong BKs ay animo’y naglalambitin lang sa pagdadala. Kaya abangan at tiyak na may kasunod pang maibubuga iyang sina Damong Ligaw at Arrowhead sa susunod nilang paglahok.
Fred L. Magno