DEDBOL ang isang lola nang mahulog mula sa sinasakyang tricycle nang mataranta sa balitang magkakaroon ng tsunami sa Candelaria, Quezon kamakalawa.
Barog ang ulo nang humampas sa kalsada ang biktimang si Julieta Pañoso, 64-anyos.
Ayon sa anak ni Julieta, kumalat ang text message bandang 10 p.m. na may magaganap na tsunami sa Tayabas Bay kaya nataranta sila. Sakay ng tricycle ang biktima kasama ang walong iba pang nagsisiksikan at bunsod ng pagkataranta ay nahulog ang matanda.
Nag-panic din ang mga residente ng Sariaya at nagsilikas ang mga nakatira sa San Juan, Batangas.
Agad pinasinungalingan ni Dr. Henry Busar ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), ang kumalat na report at sinabing walang malakas na lindol kaya imposibleng magka-tsunami sa kahit na saang sulok ng bansa.
Ipinaliwanag ni Busar, ang pagbabaw ng tubig sa dagat ay natural lamang dahil sa pagdaan ng bagyong Henry. (BETH JULIAN)