HUMILING nung isang araw ang kampo ng Ateneo de Manila sa komisyuner ng UAAP men’s basketball na si Andy Jao na imbestigahan ang pagsapak umano ng sentro ng De La Salle University na si Arnold Van Opstal sa kanyang kalabang si Ponso Gotladera ng Blue Eagles sa laro ng dalawang magkaribal na pamantasan noong Linggo.
Ayon sa isang team official ng Ateneo, may video silang isusumite sa UAAP kung saan sinapak ni Van Opstal si Gotladera sa unang quarter ng larong pinagwagihan ng Eagles, 97-86.
Dating magkakampi sina Gotladera at Van Opstal sa La Salle bago lumipat si Gotladera sa Ateneo ngayong taong ito.
Nagtala si Gotladera ng 17 puntos at walong rebounds para pangunahan ang Eagles sa panalo kontra Archers.
Habang sinusulat ito ay nagpupulong si Jao at ang UAAP technical committee upang imbestigahan ang insidente at kung mapapatunayang sinapak talaga ni Van Opstal si Gotladera ay papatawan si Van Opstal ng suspensiyon at hindi makakalaro para sa Archers mamaya kontra National University sa Mall of Asia Arena sa Pasay. (James Ty III)