MAY kasunod pa ang ihahaing impeachment complaints ng mga kritiko laban kay Pangulong Benigno Aquino III.
Ngayong araw ay may ikatlong reklamo pang maihahain sa Kamara laban sa punong ehekutibo.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na nakasentro sa Disbursement Acceleration Program (DAP) ang reklamo kundi ito ay nakabase na sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Filipinas at Estados Unidos.
Inaasahang lima ang magiging complainant ng ikatlong reklamo laban sa Pangulo, habang dalawa ang kanilang grounds for impeachment.
Una, ang betrayal of public trust dahil sa pagpasok ng gobyerno sa EDCA, at culpable violation of the constitution dahil ang rotational presence ng mga sundalong Amerikano sa bansa ay sinasabing labag sa probisyon na nagbabawal sa permanenteng presensiya ng mga dayuhang pwersa gayondin ng kanilang pasilidad.
Habang nagpahayag na ng kahandaang mag-endoso ng reklamo sina Act Party-list Rep. Antonio Tinio at Gabriela Party-list Rep. Emmi de Jesus.