HIGIT nang mabibigyan ng sapat na kalinga at mababantayan nang wasto ang mga karapatan ng mga kabataan matapos lagdaan sa Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela ang ordinansang iniakda ni 1st District Councilor Rovin Feliciano.
Sa pamamagitan ng Ordinance No. 132 series of 2014 na tatawagin din “Youth Welfare and Development Ordinance of Valenzuela,” higit pang matututukan ng lokal na pamahalaan ang pagkalinga at pagsulong sa karapatan ng mga kabataan.
Nakapaloob sa ordinansang ito na mabibigyan ng sapat na proteksiyon ang mga kabataan, magkaroon ng karapatan na makapag-aral, maipaalam ang kanilang bawat karapatan at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa.
Kinikilala din ang mga kabataan bilang mga susunod na pinuno ng lungsod at tuturuan upang mas mahasa pa ang kanilang kaalaman sa pagbibigay ng serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.
Ipatutupad ng ordinansa ang iba’t ibang programa ng United Nations Declaration of Intent sa mga problema ng kabataan at ang Medium Term Youth Development Plan (MTYDP) ng National Youth Commission (NYC).
Kikilalanin bilang chairman ng Valenzuela City Council for Youth Development si Mayor Rex Gatchalian habang itatalagang vice-chairman naman ang kasalukuyang sangguniang kabataan president o ang chairman ng committee for youth and sports development ng Sangguniang Panglungsod.
Kabilang sa magiging miyembro ang mga sangguniang kabataan chairmen sa bawat barangay o ang kanilang sangguniang barangay committee for youth and sports development; representante mula sa city youth development office; city schools division superintendent; city planning officer; representante ng bawat accredited youth organizations sa buong lungsod at mga city department heads na magsisilbing advisers.
Mahigpit na babantayan ng ordinsa ang problema ng mga kabataan partikular sa larangan ng education, livelihood, health, abuse and exploitation nang sa gayon ay agad mabigyan ng solusyon.
Hihilingin ang pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng paglalagay ng special team sa Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ng bawat estasyon ng pulisya sa buong lungsod at tatawagin itong youth welfare protection unit.
Naniniwala si Feliciano na sa pamamagitan ng nasabing ordinansa, bukod sa magagabayan ang mga kabataan sa tamang landas ay mabibigyan pa ng tamang pagkalinga at pangangalaga sa kanilang mga karapatan.