PANIBAGONG karangalan ang muling ibinigay ni hydra grandmaster Wesley So sa Pilipinas matapos sungkitin ang titulo sa katatapos na ACP Golden Classic Bergamo 2014 International Chess Tournament sa Italy.
Para hindi na mahirapan ang 20 anyos So (elo 2744) sa kanyang laro sa seventh at last round kontra GM Brunello Sabino (elo 2568) ng Italy ay nakipaghatian na lang ito ng puntos matapos ang 20 moves ng Queen’s Gambit.
Sumulong si So ng 4.5 puntos mula sa tatlong panalo at tatlong draws sa event na may pitong GMs at ipinatupad ang single round robin.
Pinisak ni So sina Ian Nepomniachtchi (elo 2730) ng Russia, Daniele Vocaturo (elo 2584) ng host country at Jovaba Baadur (elo 2713) ng Georgia sa rounds 2, 3 at 6 ayon sa pagkakahilera.
Tabla naman ang laro ng tubong Bacoor Cavite So kina, Emil Sutovsky (elo 2620) ng Israel sa round 1 at Zoltan Alamasi (elo 2693) ng Hungary sa fourth round round.
Bukod sa kanyang panalo ay umakyat sa No. 12 sa world rankings si So dahil nag-umento ang kanyang elo rating sa 2755.
Isa sa mga naungusan ni So sa WR ay ang karibal na si Anish Giri (elo 2750) ng The Netherlands.
Noong Mayo ay nakopo rin ni So ang titulo nang mag- kampeon ito sa 49th Capablanca Memorial 2014 na ginanap sa Havana, Cuba.
Lumikom si So ng 6.5 points sa 10 laro sa Capablanca. (ARABELA PRINCESS DAWA)