NATULOY ANG SESYON SA USTE AT PASYAL SA RIZAL PARK
Mga limang hakbang ang distansiya namin sa isa’t isa. Sa simula ay pa-sketch-sketch muna siya. Ipinoporma ang ayos ko at ang anyo ng mga bagay-bagay na nasa aking likuran.
Nakukuha pa rin niyang makipag-usap sa akin sa kabila ng pagiging abala ng kanyang kamay. Pasundot-sundot ang mga pagtatanong niya sa akin. Parang ibig niyang dalirutin ang personal na buhay ko. Puro totoo naman ang isinagot ko sa kanya. Pero nang usisain niya kung nagka-girlfriend na ako at ilan na ang na-ging girlfriend ay half-truth ang naisagot ko sa kanya: “Dalawa na.” Ang dalawang ‘yun ay ang kababata kong si Ningning na syota-syotaan ko nu’ng kapwa pa kami sipunin, at si Joybelle na naging syota ko nang ‘di niya alam. Ito ‘yung bagong lipat na dalaga sa aming lugar na sumagot ng “oo” sa text na mahal din ako. Pero ang ka-text ko pala noon ay si Ningning (nagpanggap na Joybelle) na namasukang kasambahay sa pamilya nito.
“Masarap ba ang may syota?” naitanong ni Karla.
“Oo naman…Very happy ako nu’n at para bang napaka-colorful ng buhay,” ang sagot ko sa kanya.
“T-talaga?” aniyang napamaang.
Handa naman ako na mag-fiction kung magpipilit siyang ikuwento ko ang love story namin nina Ningning at Joybelle. Mabuti na lang at hindi nangyari ‘yun.
Mag-aalas-kwatro ng hapon nang itigil ni Karla ang pagpipinta. Halos tapos na niyang maiguhit ang larawan ko sa canvass na may sukat na 3”X5.” Sa bahay na lang daw niya isasagawa ang mga “retouches.” Nang sa ga-yon, aniya, makapagpahinga kami at maihanda ang aming mga sarili sa pagde-date namin sa Rizal Park dakong ala-siyete ng gabi.
“Dadaanan kita ng taksi sa boarding house n’yo, ha, Lucky?”
Naglakad nang naglakad kami ni Karla sa Rizal Park. Siya ang nakipag-holding hands sa akin habang nag-iikot-ikot kami sa mga lugar-pasyalan. Masigla siyang nakikipagpalitan sa akin ng sari-saring kwento. Masayang-masaya ang aura niya. Sa paningin ng iba taong makakakita sa amin ay iisipin na mayroon kaming relasyon. Sweet siya sa akin kahit kunwa-kunwarian lang ang pagiging mag-boyfriend-mag-girlfriend naming dalawa.
Bandang alas-diyes ng gabi nang ihatid ako ng taksi ni Karla sa tinutuluyan kong boarding house. (Itutuloy)
ni Rey Atalia