KORONADAL CITY – Wala nang buhay nang matagpuan ang dalawang estudyante sa President Quirino, Sultan Kudarat makaraan dukutin sa Tantangan, South Cotabato.
Ang mga biktimang sina Rey Pacipico alyas Kabal, 16, estudyante ng Tantangan Trade School, at Robert Mallet, 14, isang Filipino-British, estudyante ng Notre Dame of Marbel High School for Boys (IBED), ay unang ini-report na kinidnap noong Hulyo 20, dakong 10 p.m. sa Brgy. Cabuling, Tantangan, South Cotabato.
Ayon kay Barangay Kapitan Rodillo Palomo, natagpuan ang bangkay ng dalawang estudyante ng isang nagpapastol ng kalabaw sa Brgy. Pangasinan at Brgy. Laguilayan, President Quirino, Sultan Kudarat.
Halos hindi na makilala ang bangkay ng mga biktima na kapwa basag ang ulo at wasak ang mukha dahil sa pagpukpok ng matigas na bagay.
Ayon kay Palomo, dakong 4 p.m. nitong Sabado, pumunta sa bahay ng mga biktima ang isang Jay Sarayno alyas Pluto upang imbitahan sina Robert at Rey na maglaro ng basketball sa Brgy. New Pangasinan, Isulan, Sultan Kudarat.
Sumama ang dalawa kay Pluto sakay ng motorsiklo at hindi na nakabalik pa.
Linggo ng umaga nang bumalik si Pluto sa bahay ng pamilya Mallet at pinahahanda ng P50,000 ang ina ng isa sa mga biktima na si Lorna Mallet dahil kinidnap ang anak niya sa bayan ng Isulan.
Agad nag-withdraw ng pera sa lungsod ng Koronadal si Lorna at sumama kay Pluto upang tubusin ang anak dala ang ransom money.
Ngunit kinabukasan natagpuan din si Lorna sa gilid ng kanal sa boundary ng Brgy. Lagandang at Bagumbayan na nasa state of shock at may sugat sa ulo mula sa pagpukpok ng bato ng suspek. Pinaghahanap na ng pulisya si alyas Pluto na tumakas kasama ang kanyang pamilya.
(BETH JULIAN)