DINALUHAN ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kahapon ang inagurasyon ng Ciudad de Victoria, partikular ang Philippine Arena ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Bocaue, Bulacan.
Ito ay may floor area na 99,000 square meters at sitting capacity na 55,000.
Nakadisenyo ito laban sa lindol o ano mang kalamidad dahil sa tubular steel columns at napakaraming core shear walls.
Napag-alaman, ginastusan ito ng US$213 milyon o P93 bilyon.
Ang bowl-shaped structure ay inspirado ng Narra, ang pambansang punongkahoy ng Filipinas at ugat ng Banyan tree, at binuo sa konsepto ng world-acclaimed architectural firm na Populous.
Kabilang sa mga naitayo ng Populous ang 23,000-seat O2 Arena sa London, at iba pang sports arena at stadium sa mundo.
Kasama ng Populous ang Buro Happold, isang British professional services firm para sa structural engineering at ang Korean firm na Hanwha Engineering and Construction para sa completion ng proyekto.
Sinasabing world-record ang estrukturang ito dahil maituturing na pinakamalaking indoor arena sa buong mundo.
Bukod sa arena, nasa loob din ng Ciudad de Victoria ang malaking stadium na maaaring pagdausan ng world sporting events gaya ng football o basketball world cup.
Isinagawa ang inagurasyon isang linggo bago ang ika-100 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo sa Hulyo 27, araw ng Linggo.
(DAISY MEDINA)