HINDI nakalampas sa pagbatikos ni Senador Antonio Trillanes IV ang palpak na serbisyo ng Manila Electric Company (Meralco).
Ayon kay Trillanes, dapat nang i-take over at pakialaman ng pamahalaan ang pamamahala at pamamalakd sa Meralco.
Inirekomenda rin ni Trillanes ang agarang pagpapalit sa pamunuan o nagpapatakbo ng Meralco sa kasalukuyan.
Ayon kay Trillanes, sa kabila nang mahal na singil ng Meralco ay hindi maayos ang serbisyo ng kompanya.
“Nakapagtataka na hindi nagagawang mapaghandaan ng Meralco at maaksyonan agad ang problema gayong ito ay palagian nang nararanasan tuwing magkakaroon ng bagyo,” ani Trillanes.
Ang tinutukoy ni Trillanes ay ang malawakang brownout at ang ipinatutupad na rotating brownpout makaraan ang bagyong Glenda na sumira sa poste, kable at mga planta ng Meralco.
Bunsod nito, sinabi ni Trillanes, panahon na upang pansinin ang kanyang panukalang batas na nagbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para tugunan ang krisis sa koryente.
(NIÑO ACLAN)