PAGKATAPOS ng kampanya nito sa FIBA Asia Cup kung saan tumapos ito sa pangatlong puwesto, balik-aksyon ang Gilas Pilipinas mamaya sa pagsisimula ng dalawang araw na The Last HOME Stand kontra sa ilang mga All-Stars ng National Basketball Association sa Smart Araneta Coliseum.
Ang dalawang exhibition games mamaya at bukas ay bahagi ng paghahanda ng tropa ni coach Chot Reyes para sa FIBA World Cup sa Espanya sa Agosto at ang Asian Games sa Incheon, Korea, sa Oktubre.
Inaasahang lalaro sa tune-up series ang mga manlalarong kasama ni Reyes sa Wuhan, Tsina, tulad nina Marcus Douthit, Paul Lee, LA Tenorio, Jared Dilinger, Ranidel de Ocampo, Kevin Alas, Garvo Lanete, Gary David, Beau Belga, Jay Washington, Junmar Fajardo at Japeth Aguilar.
Makakasama rin ang iba pang mga nationals tulad nina Marc Pingris, Jeff Chan, Gabe Norwood, Jayson Castro, Jimmy Alapag at Larry Fonacier na binigyan ng pahinga ni Reyes pagkatapos ng PBA Governors’ Cup.
Ang mga NBA All-Stars naman ay babanderahan nina Kawhi Leonard ng San Antonio Spurs, James Harden ng Houston Rockets, Paul George ng Indiana Pacers, DeMar DeRozan ng Toronto Raptors, Tyson Chandler ng Dallas Mavericks, Damian Lillard ng Portland Trail Blazers, Blake Griffin ng Los Angeles Clippers at Brandon Jennings ng Detroit Pistons.
Kabibisita lang si DeRozan sa ating bansa para sa NBA 3X3 Philippines samantalang naglaro sina Harden at George sa kani-kanilang mga koponan sa pre-season na laro nila noong isang taon.
Magiging head coach ng mga Kano si John Lucas na pangungunahan ang coaching clinic at magkakaroon din ng slam dunk exhibition at three-point shootout.
Ang The Last HOME Stand ay alay ng pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si Manny V. Pangilinan bilang pagdiriwang ng kanyang kaarawan. (James Ty III)