“TALO ka na nga, duling ka pa sa panonood ng takbuhan sa monitor.”
Ito halos ang maririnig mo sa mga karerista na tumataya at nanonood ng mga aktuwal na takbuhan ng karera sa offtract ng Metro Turf partikular dito sa vicinity ng Blumentritt.
Maging ang inyong lingkod ay nabuwisit dito sa Metro Turf sa klase ng pagsasahimpapawid nila ng takbuhan ng karera sa sinasabi nilang world class na racetrack sa Pilipinas.
Aba’y daig pa sila ng mga PIRATED DVD sa pagbibigay ng aktuwal na takbuhan sa mga mananaya. Maya’t maya ay nawawala sila sa ayre.
Nawawala tuloy ang interes mo sa panood ng mga takbuhan dahil paputol-putol at kalimitan ay nawawala sila sa ayre sa pagkurba sa homestretch. Nawawala ang suspense ng bakbakan dahil napapalitan ng matinding inis.
Puna tuloy ng katabi kong karerista dito sa offtrack sa P. Guevarra cor. Aurora Blvd. malapit sa Blumentritt, sinasadya raw siguro na sirain ang telecast para raw hindi mahalata na niyayari nila ang karera. Tingnan mo naman daw, halos dehado ang mga mananalo.
Aba’y hindi naman siguro. Hindi naman kasalanan ng mga namumuno sa Metro Turf kung nanalo ang dehado. Ang kasalanan nila ay yung bigyan ng walang katorya-toryang panoorin ang mga karerista sa bawat offtrack.
Kung ‘di ba naman, ang tagal nang lumayas ang bagyong sina Glenda at Henry ay masama pa rin ang signal nila para mabigyan ng magandang telecast ang bawat takbuhan noong Sabado at Linggo.
0o0
Pagkatapos talunin ni Guillermo Rigondeaux si Nonito Donaire, marami ang nagtatanong kung ano na ang nangyari sa kanyang boxing career?
Dapat kasi sumikat na siya nang husto dahil tinalo niya ang makasaysayang si Donaire?
Walang nangyaring positibo. Dahil sa panalo niya kay Donaire ay marami ang nakatulog. Ni hindi napanood ng mga fans ang pagtaas ng reperi ng kanyang kamay nang ideklarang nanalo siya.
Karamihan nga ng mga nakapanood ay nagsasabing “boring” lumaro si Rigondeaux. Magaling siya pero wala sa kanya ang “ingredient” para matawag na superstar ng boksing.
Pangit pa sa kanya—madalas niyang gamitin ang ulo bilang secret weapon sa bawat laban.
Katulad na lang ng laban niya kay Sod Kokietgym sa Macau pagkatapos ng panalo niya kay Donaire, ginamit niya ang ulo para pabagsakin ang kalaban sa canvass.
Mahilo-hilo pa si Sod nang ilarga uli ng reperi ang laro na sinamantala ni Rigondeaux. Dalawang suntok ang tumapos kay Kokietgym.
Whew. Tama si Bob Arum ng Top Rank na siyang promoter din ni Rigondeaux na magiging mahirap para sa kanya na ibenta sa boxing fans ang istilo ni Rigo.
Alex L. Cruz