ni Roldan Castro
SINABI ni Piolo Pascual sa presscon ng Hawak Kamay na late 20’s ang babaeng gusto niyang mapakasalan dahil gusto pa niyang magkaroon ng apat na anak. Dati nga anim pa. Nasanay daw siya sa malaking pamilya.
“Hindi naman early 20’s baka hindi ko rin kayanin, kasing-edad na ‘yun ng anak ko ‘yun, ‘no? Mahirap,” tumatawa niyang pahayag.
Ayaw din niyang tumanda na walang kahawak-kamay. Mahirap din ‘yung mag-isa siya at may pamilya na rin si Inigo.
May kinalaman din ba na apat na anak ang gusto niya dahil apat ang batang kasama niya sa Hawak Kamay? Ito’y kinabibilangan nina Zaijian Jaranilla, Andrea Brillantes, Xyriel Manabat, at Yesha Camile? Ano ang challenge na mga bata ang kasama niya ngayon sa bago niyang serye na magsisimula sa Lunes, July 21? Hindi ito love team, hindi ito romantic kundi mga bata ang kasama?
“Nakakapanibago pa rin kasi hindi sila technique, hindi naman ‘yung tipo ng artista na alam mong umaarte. So, mas challenging for me kasi makikita rin sa acting mo ‘pag hindi totoo ‘yung ibinigay mo. Nakaka-intimidate rin na katrabaho ang mga child superstar but it brings out the young in me,” aniya na nakikipaglaro rin siya sa mga bagets.
Alas-sais pa lang ginigising na ni Papa P ang sarili niya dahil 8:00 a.m. ang shoot niya, ‘yung mga bata ay 7:00 a.m.. Maaga sinisimulan ang mga bata dahil may takdang oras na ibinigay ang DOLE na mag-shoot ang mga bata at hindi kailangan magpuyat. Sobrang adjust daw sila. Maagang nagsisimula at maaga ring natatapos. Lugi nga lang daw siya kasi minsan kailangan pa niyang maiwan dahil bukod sa eksena niya sa mga bata, may eksena rin siya sa mga adult.
Tinanong din si Piolo kung okey lang sa kanya ang mag-ampon pero mas gusto raw niya na galing sa kanya ang magiging anak niya bukod kay Inigo. Pero hindi naman niya isinasara ‘yung pinto kung may ibigay sa kanya dahil baby ‘yun at blessings.
“Pero personally, gusto ko naman sarili ko. Gusto ko namang makita na galing sa akin, ‘di ba?,” sambit pa niya.
Boom!