PATUNGO na sa Malaysia ang mga kaanak ng tatlong Filipino na kabilang sa mga namatay sa pinabagsak na Malaysia Airlines flight MH17, upang kunin ang labi ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa ulat, kinompirma ni Tirso Pabellon, kapatid ni Irene Gunawan, isa sa mga biktima ng pagbagsak ng MH17, ang kanilang pag-alis patungong Malaysia.
“Kaming magkakapatid po, special trip daw po kami, may dadaan sa amin dito,” pahayag ni Pabellon.
Sina Irene, 54, Sherryl Shania Gunawan, 15, at Darryl Dwight Gunawan, 19, ay pabalik sa Filipinas para sa family reunion sa Pagbilao, Quezon nang maganap ang insidente.
Si Irene ay pang-limang anak ng pamilya Pabellon, siyang breadwinner, at 20 taon nang nagtatrabaho sa The Netherlands bilang miyembro ng banda.
“Uuwi nga po sana [sila] nitong July 27 para sa family reunion ng Pabellon family… Wala po kaming contact. Ang alam ko, basta siya’y uuwi. Ito na nga po palang araw iyon,” aniya.
Sinabi ni Tirso, ang labi ng mag-iina at ng mister ni Irene, ang Indonesian na si Budy Janto Gunawan, ay dadalhin nila sa Quezon.
Pagpapabagsak ng mga rebelde kinondena ng PH
KINONDENA ng gobyerno ng Filipinas ang pagpapabagsak sa Malaysia Airlines Flight MH 17, at hinikayat ang international community na panagutin ang mga nasa likod ng insidente.
Kasabay nito, nagpahatid ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng pakikiramay sa mga kaanak ng mga namatay sa insidente.
“It is of utmost importance that the international community come together to help determine those who are responsible for this brutal act against a civilian airliner in civilian airspace,” ayon sa DFA.
Sinabi ng DFA, ang mga responsable sa insidente “should be made fully accountable for this unconscionable assault on a non-military aircraft that posed no threat whatsoever to any party.”