WALO katao kabilang ang isang Dutch national ang syut sa kulongan nang arestohin ng operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang raid sa Butuan City.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo Cacdac, Jr., ang mga suspek na sina Robert Stoffelen, 51, nakatira sa Purok 3-A, Resurrection, Brgy. Holy Redeemer, Butuan City; Sallie Villahermosa, 35; Rey Roco, 32; Alfie Semogan, 30; Joseph Tucang, 21; Ryan Calub; Renwek Pecasales, 21 at Susan Pugahan, 28.
Naaresto ang mga suspek sa bisa ng inisyung search warrant ni Judge Eduardo Casals, ng Butuan City Regional Trial Court (RTC) Branch 1 sa bahay ni Stoffelen dahil umano sa ginagawang drug den ang nasabing bahay.
Sa nasabing raid, nakakuha ang mga awtoridad ng tatlong sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Si Stoffelen ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 6 (maintenance of a drug den), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), at Article II ng Republic Act 9165, habang ang pito pang dinakip ay kakasuhan ng paglabag sa Section 7 (Visitor of a Drug Den).
(JETHRO SINOCRUZ)