NAKATAKDANG kalusin ni Pinoy hydra grandmaster Wesley So ang makakaharap sa sixth at penultimate round upang palakasin ang tsansa na masungkit ang titulo sa ACP Golden Classic Bergamo 2014 International Chess Tournament sa Italy .
Hawak ni 20-year old So ang tatlong puntos upang masolo ang top spot papasok ng sixth at penultimate round.
Nakamasid sa likuran niya si GM Jobava Baadur (elo 2713) ng Georgia na may 2.5 points.
Magpipisakan sina So (elo 2744) at Baadur sa round six sa event na may pitong GMs at ipinatutupad ang single round robin.
Subalit maaring makihalo sa unahan si Baadur o malampasan niya si So dahil hindi pa tapos ang laro niya sa round five kung saan ay kalaban niya si GM Zoltan Almasi (elo 2693) ng Hungary .
“I never analyzed this opening lines before. I simply played the position and went on till the end.” wika ni Baadur sa laro niya kay Almasi.
Para masiguro ang asam na kampeonato kailangan pagpagin ni So si Baadur.
“Nakapagpahinga naman ako sa round 5 kaya pinaghandaan ko siya (Baadur),” ani So “Mahirap kasi malakas din na player siya pero gagawin natin lahat para manalo.”
Makakalaban ni So sa last round si Brunello Sabino (elo 2568) ng Italy .
Tabla sa round five sina Ian Nepomniachtchi (elo 2730) ng Russia at Emil Sutovsky (elo 2620) ng Israel matapos ang 60 moves ng Sicilian.
Samantala, magkasama sa third to fourth place sina Sutovsky at Nepomniachtchi tangan ang tig dalawang points habang nasa pang-lima hanggang anim na puwesto sina Brunello at Almasi bitbit ang 1.5 puntos.
Nakabaon sa hulihan si Daniele Vocaturo (elo 2584) ng host country pasan ang kalahating puntos.
(ARABELA PRINCESS DAWA)