KABILANG ang isang Filipina at dalawa niyang anak sa 298 pasaherong lulan ng Malaysia Airlines flight MH17 na pinabagsak sa teritoryo ng Ukraine, ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario kahapon.
Makaraan abisohan ang kanilang pamilya, kinilala ng DFA ang mga biktimang sina Irene Gunawan, 54; Sherryl Shania Gunawan, 20; at Darryl Dwight Gunawan, 15-anyos.
Ang Flight MH17 ay may scheduled flight mula Amsterdam sa The Netherlands patungo sa Kuala Lumpur, Malaysia nang bumagsak sa eastern Ukraine nitong Huwebes ng gabi (Manila time). Walang naganap na distress call mula sa eroplano.
Bukod sa tatlong Filipino, 154 sa mga biktima ay Dutch national, 27 ang Australian at 23 ang Malaysian national.
Batay sa ulat ng mga awtoridad sa Ukraine, pinabagsak ng mga rebelde ang flight MH17 na patungo sana sa Kuala Lumpur, Malaysia galing ng Amsterdam.
Habang kinompirma ng Ukrainian Interior Ministry adviser na lahat ng mga pasahero ng nasabing eroplano ay namatay kabilang ang 283 passengers at 15 crew.
Pinaiimbestigahan na ng Prime Minister ng Ukraine na si Petro Poroshenko ang nasabing insidente.
Samantala, sinabi ng bansang Malaysia na hindi pa kompirmado kung pinabagsak ng mga rebelde ang nasabing eroplano.
(AP)
PALASYO NAKIRAMAY SA PAMILYA NG MH17 VICTIMS
NAGPAHAYAG ng taimtim na pakikiramay ang Palasyo sa mga pamilya ng mga biktima ng bumagsak na Boeing 777 ng Malaysian Airlines MH17 sa border ng Ukraine at Russia kahapon.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., makikipagtulungan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamahalaan ng Ukraine at Malaysia upang makilala ang tatlong Filipino na kabilang sa 298 namatay sa bumagsak na eroplano.
“The Government is one with the international community in calling for the thorough and swift inquiry on this incident,” ani Coloma.
(ROSE NOVENARIO)